Thu. Oct 22nd, 2020

Press Release
September 24, 2020

MARAMING MAG-AARAL AT GURO ANG NAPALIGAYA NI REVILLA SA KANIYANG KAARAWAN


MATAGUMPAY na naipamahagi ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang halos 2000 gadgets sa halos buong bansa na isinagawa niya ng ‘live’ sa facebook at youtube sa loob ng apat na gabi na tinutukan ng marami sa ating mga kababayan.

Sa halip na magsagawa ng salu-salo o magarbong pagdiriwang na taun-taong isinasagawa ni Revilla ay mas minabuti nitong mamahagi na lamang ng tablet sa mga guro at mag-aaral bilang pagsunod na rin sa ipinatutupad na health protocol sa panahon ng pandemya.

“Hindi kasi tama na marami ang nangangailangan sa panahong ito tapos gagastos tayo dahil lang sa birthday, kaya mas minabuti kong mamahagi na lamang ng tablet, cellphone at laptop, at ilang gabi ko pang kapiling ang marami sa ating kababayan” saad ni Revilla.

Nabatid na inilunsad ni Revilla ang KAP program, ang KAALAMAN, ATING PALAWAKIN, upang magkakaroon ng Gadget Giveaway at kahit paano ay matulungan niya ang maraming nangangailangang mag-aaral.

Nakapamahagi tayo ng 1,500 tablet, 230 cellphone, 100 phablet at 28 laptop at dahil sa paggunita na rin sa Teachers Month ay mahigit sa 200 guro ang nabiyayaan ng gadgets at ang kabuuan ay sinigurong naipamahagi ng pantay sa malaking bahagi Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region (NCR) para magamit sa blended learning.

Isa sa tuwang-tuwang natulungan ni Revilla ay ang isang ama mula sa Naga City, Camarines Sur na nag-viral matapos na ibarter niya online ang mga alaga niyang manok kapalit ng tablet para sa mag-aaral niyang anak ngunit na-scam.

“Natutuwa ako dahil marami sa ating nabigyan ng tablet ay ‘yung mga kababayan nating nangangailangan talaga, kung ako nga lang ang masusunod ay bibigyan natin lahat ngunit dahil sa sobrang dami ay hindi natin kakayanin kaya idinaan na lang natin sa raffle” paliwanag pa ni Revilla.

Ang pamamahagi ni Revilla na umabot ng apat na gabi simula noong Septyembre 20, ay tinutukan ng halos 40,000 tagasubaybay gabi-gabi na inabot din ng mahigit sa 1,000,000 views kaya bukod sa mga nanalo sa raffle ay napakarami ring nabigyan, na sumali lamang sa mga games na dagdag kasayahan lamang sa naturang ‘live program’.

Dahil sa dami ng mga suporta sa programang ito ni Revilla ay inaasahang muli itong mauulit ngunit hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Revilla hinggil dito.

By Bureau